NEWS

Hinihimok ng Kagawaran ng Pampublikong Kalusugan ng San Francisco ang Publiko na Huwag Pumitas o Kumain ng mga Ligaw na Kabute

Department of Public Health

SAN FRANCISCO – Simula noong Nobyembre 2025, nagkaroon ng pagsiklab ng malalang sakit at pagkamatay sa California na nauugnay sa mga taong namimitas at kumakain ng mga ligaw na nakalalasong kabute, —partikular na, ang mga kabute na Death Cap at Western Destroying Angel —na mali nilang pinaniniwalaang nakakain.

Hinihimok ng SFDPH ang publiko na huwag mamitas o kumain ng mga ligaw na kabute sa panahong ito ng pagtaas ng panganib at iwasan ang pagkain ng mga ligaw na kabute na pinitas ng mga kaibigan o pamilya. Hinihimok din namin ang publiko na mahigpit na subaybayan ang mga bata at mga alagang hayop sa mga lugar kung saan maaaring tumubo ang mga ligaw na kabute tulad ng mga parke.

Ang mga nakalalasong kabute na ito ay madaling mapagkamalang ligtas at nakakaing kabute dahil sa kanilang magkatulad na anyo at lasa, ngunit ang pagkain sa mga ito ay maaaring humantong sa matinding pagkalason. Ang pagluluto, pagpapakulo, pagpapatuyo, o pagyeyelo sa mga nakalalasong kabute na ito ay hindi ginagawang ligtas kainin ang mga ito.

Ang mga kahihinatnan ng pagkain ng mga nakalalasong kabute ay maaaring maging malubha. Sa pagitan ng Nobyembre 18, 2025, at Pebrero 9, 2026, 40 kaso ng pagkalason sa kabute ang naiulat sa California, na nagresulta sa apat na pagkamatay at hindi bababa sa tatlong transplant sa atay.

Ang mga sintomas ng mga pagkalason na dulot ng kabute ay maaaring magsimula anim hanggang 24 na oras pagkatapos kainin. Kabilang sa mga karaniwang sintomas ang pagsusuka, matinding pananakit ng tiyan, at pagtatae. Ang mga sintomas ay maaaring umunlad sa pinsala sa atay at kamatayan.

Kung ikaw o ang isang kakilala mo ay maaaring nakakain ng nakalalasong kabute, humingi agad ng medikal na atensyon o makipag-ugnayan sa California Poison Control Hotline sa 1-800-222-1222.

Upang mapataas ang kamalayan, ang Kagawaran ng Pampublikong Kalusugan ng California ay bumuo ng mga flyer, poster, at iba pang mapagkukunan ng impormasyon para sa pampublikong paggamit. Ang mga mapagkukunang ito ay makukuha sa maraming wika at matatagpuan dito .