Skip to main content

Pahina ng Impormasyon

Ang Tumpak at Kumpletong Bilang ng mga Boto ay Nangangailangan ng Panahon

Dahil sa inaasahang mataas na bilang ng mga botante at sa dami ng mga kard ng balota, maaaring kailanganin ng Departamento ng mga Eleksyon ang buong 30 araw na pinahihintulutan sa ilalim ng batas ng California upang makumpleto ang Opisyal na Canvass at sertipikahin ang mga lokal na resulta ng Pinagsamang Pangkalahatang Eleksyon sa Nobyembre 3, 2026. Inaatasan ng batas ng estado ang Departamento na sertipikahin ang eleksyon bago o sa Disyembre 3, 2026.

Gaya ng nakasaad sa Iskedyul ng Pag-uulat ng mga Resulta, maglalabas ang Departamento ng apat na paunang ulat ng mga resulta sa Gabi ng Eleksyon. Patuloy na magbabago ang mga resultang ito sa mga susunod na araw at linggo habang sinusuri at binibilang ang sampu-sampung libong karagdagang balota. Kabilang dito ang mga balidong balota na vote-by-mail na natanggap sa o pagkatapos ng Araw ng Eleksyon, mga probisyonal na balota, at mga balotang nangangailangan ng karagdagang pagsusuri bago mabilang.

Regular ang pag-update ng mga resulta ng eleksyon habang isinasagawa ang Opisyal na Canvass at ipo-post sa sfelections.gov/results. Upang makatanggap ng mga opisyal na update tungkol sa eleksyon sa pamamagitan ng email, mag-subscribe sa sfelections.gov/trustedinfo.

Alamin ang higit pa tungkol sa mga hakbang sa pagbibilang ng bawat kuwalipikadong balota at kung bakit nagpapatuloy ang pagbibilang ng mga balota pagkatapos ng Araw ng Eleksyon.

1. Ang Balota na May Maraming Kard ay Nangangahulugan ng Mas Maraming Balota na Bibilangin

Ang balota para sa Pinagsamang Pangkalahatang Eleksyon sa Nobyembre 3, 2026, ay bubuuin ng maraming kard ng balota. Bukod sa mga labanan para sa mga pederal, pang-estado, at lokal na katungkulan, inaasahang magpapasya ang mga botante sa 14 na panukala ng estado, 1 panrehiyonal na panukala, at 10 lokal na panukala.

Karaniwang mataas ang bilang ng mga botanteng bumoboto sa mga pangkalahatang eleksyon sa buong estado. Dahil may humigit-kumulang 530,000 rehistradong botante at inaasahang aabot sa halos 70% ang turnout, tinatantiya ng Departamento na halos dalawang milyong kard ng balota ang kailangang iproseso bago masertipikahan ang mga resulta ng eleksyon.

Bago masertipikahan ang mga resulta, inaatasan din ng batas ng California ang Departamento na kumpletuhin ang serye ng mga pamamaraan pagkatapos ng eleksyon, kabilang ang mga audit at manu-manong bilang, upang mapatunayan na tumpak na binilang ng mga kagamitan sa pagboto ang bawat balota at tamang iniulat ang mga resulta ng eleksyon.

2. Ang mga Balotang Vote-by-Mail ay Nangangailangan ng Ilang Hakbang sa Pagproseso Bago Mabilang

Ang bawat ibinalik na sobre ng balota ay unang ini-scan, at inihahambing ang lagda ng botante sa lagda ng nasa talaan ng rehistrasyon ng botante. Kung makatuwirang magkatugma ang mga lagda, tatanggapin ang balota para mabilang. Kung hindi magkatugma ang mga ito, o kung nakalimutan ng botante na lagdaan ang pambalik na sobre ng balota, hahamunin ang balota at bibigyan ang botante ng pagkakataong itama ang isyu.

Kapag napatunayan na ang lagda, bubuksan ang sobre ng balota, ihihiwalay ang balota mula sa sobre upang mapanatili ang pagiging lihim ng balota, at i-scan at bibilangin ang balota.

Inaatasan din ng batas ng California ang mga opisyal ng eleksyon na bilangin ang mga balotang vote-by-mail na may postmark sa o bago ang Araw ng Eleksyon at natanggap sa loob ng pitong araw pagkatapos ng eleksyon, gayundin ang mga balota ng San Francisco na ibinalik sa ibang mga county at kalaunan ay ipinadala sa Departamento.

3. Kailangang Isa-Isang Suriin ang mga Probisyonal na Balota

Sa bawat eleksyon, libu-libong botante ang bumoboto gamit ang mga probisyonal na balota.

Nag-iisyu ng probisyonal na balota kapag kailangang patunayan ng mga opisyal ng eleksyon ang kuwalipikasyon ng botante bago mabilang ang balota. Halimbawa, kapag nagparehistro at bumoto ang botante sa Araw ng Eleksyon o bumoto sa lugar ng botohan na hindi ang itinalagang lugar para sa kanya.

Kailangang isa-isang suriin ang bawat sobre ng probisyonal na balota. Sinusuri ng kawani ng eleksyon ang rehistrasyon ng botante, nilulutas ang anumang hindi pa nasasagot na tanong, at kinukumpirma na hindi pa nakaboto ang botante gamit ang ibang balota bago tanggapin ang balota para mabilang.

4. Katumpakan ang Unang Prayoridad

Nagbibigay ang Gabi ng Eleksyon sa publiko ng paunang larawan ng mga resulta ng eleksyon—hindi ang pinal na resulta.

Habang sinusuri, pinoproseso, at binibilang ang mga karagdagang balota sa panahon ng Opisyal na Canvass, patuloy na magbabago ang kabuuang bilang ng mga boto. Inaasahan ito bilang bahagi ng proseso ng eleksyon sa California at nakatutulong itong matiyak na mabibilang ang bawat kuwalipikadong balota at maisasama sa mga pinal na resulta ng eleksyon.

Pinahahalagahan ng Departamento ang pagtitiyaga ng publiko habang kinukumpleto ng mga kawani ng eleksyon ang maraming hakbang na inaatas ng batas ng estado upang mapatunayan, maproseso, at mabilang ang bawat kuwalipikadong balota.