PRESS RELEASE
Abogado ng Lungsod na si Chiu, Nagpapadala ng mga Subpoena sa Operator ng Pagsusuri sa COVID
City AttorneyAng mga subpoena ay nagmula sa kamakailang inilunsad na imbestigasyon ng City Attorney sa mga pekeng lugar ng pagsusuri sa COVID
SAN FRANCISCO (Enero 20, 2022) — Inihayag ngayon ng Abugado ng Lungsod na si David Chiu na naglabas siya ng dalawang subpoena bilang bahagi ng imbestigasyon sa mga tiwaling operator ng COVID testing sa San Francisco. Ang imbestigasyon ay pinasigla ng mga ulat ng mga potensyal na hindi awtorisadong entidad na nagsasagawa ng mga COVID testing sa Lungsod.
Naglabas si Chiu ng mga subpoena ngayon para sa mga rekord mula sa dalawang kumpanya, ang Community Wellness America, Inc. at Crestview Clinical Laboratory, LLC. Mas maaga sa buwang ito, ang mga indibidwal na kumakatawan sa Community Wellness America, Inc. ay naiulat na nag-aalok ng mga pagsusuri sa COVID sa mga pampublikong ari-arian sa San Francisco. Hindi malinaw kung ang mga indibidwal na nagtatrabaho sa mga operasyon ng pop-up testing ng Community Wellness America ay may sapat na pagsasanay upang maisagawa ang mga pagsusuring ito at kung ano ang ginagawa nila sa impormasyon at mga sample na kanilang kinokolekta.
“Napakahalaga ng pagprotekta sa integridad ng ating mga operasyon sa pagsusuri sa COVID habang nakikipaglaban tayo sa pagtaas ng mga kaso ng COVID,” sabi ni City Attorney David Chiu . “Hindi natin maaaring hayaang samantalahin ng mga tiwaling aktor ang pagtaas ng bilang ng mga kaso ng COVID para sa kita. Aalamin natin ang sanhi nito at sisiguraduhin na mananagot ang sinumang masasamang aktor.”
Bagama't nakababahala ang mga ulat ng mga mapanlinlang na pasilidad, ang mga ulat na ito ay kumakatawan sa isang maliit na bahagi lamang ng mga operasyon ng pagsusuri sa COVID sa San Francisco. Bukod sa ilang mga pribadong operator na may wastong pahintulot, ang mga lugar ng pagsusuri na kaakibat ng San Francisco Department of Public Health (SFDPH) at malalaking sistema ng pangangalagang pangkalusugan ay bumubuo sa mahigit 60 porsyento ng mga pagsusuring ibinibigay araw-araw.
Ang mga miyembro ng publiko na nangangailangan ng COVID test ay hinihikayat na makipag-ugnayan muna sa kanilang tagapagbigay ng pangangalagang pangkalusugan para sa isang pagsusuri, kung mayroon sila nito, at pagkatapos ay tuklasin ang mga opsyon sa testing site na kaakibat ng SFDPH. Para sa listahan ng mga testing site sa San Francisco, pumunta sa: sf.gov/gettested .
Dapat maging maingat ang mga mamimili sa anumang operator ng pagsusuri na humihingi ng sensitibong personal na impormasyon tulad ng mga social security number o katayuan sa imigrasyon. Kung pinaghihinalaan ng isang miyembro ng publiko na ang isang pasilidad ng pagsusuri ay tumatakbo nang walang wastong awtorisasyon, dapat nilang ipaalam sa mga opisyal ng lungsod sa pamamagitan ng pagpapadala ng tip sa 311.